Araw 1 ng 9
Anak ni David, Taong Matuwid
“Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa” (Mt 1:20).
San Jose, taong matuwid, pinakinggan mo ang tinig ng Diyos at sumunod ka agad. Ipamagitan mo kami na magkaroon ng pusong matuwid at nakikinig sa Salita ng Diyos, handang magtiwala sa Kanya kahit hindi namin lubos na nauunawaan ang Kanyang mga panukala. Tulungan mo kaming tapat na tuparin ang Kanyang kalooban sa mga karaniwang gawain araw-araw. Amen.
Sa iyo, O mapalad na San Jose, kami ay dumudulog sa aming kapighatian, at matapos naming hingin ang tulong ng iyong kabanal-banalang Esposa, buong tiwala rin naming hinihingi ang iyong pagkalinga. Alang-alang sa pag-ibig na nagbuklod sa iyo sa Kalinis-linisang Birhen, Ina ng Diyos, at sa pagmamahal ng ama na iniukol mo sa Batang si Hesus, buong kababaang-loob naming hinihiling na tunghayan mo nang may kagandahang-loob ang mana na tinubos ni Hesukristo ng Kanyang Dugo, at tulungan mo kami sa aming mga pangangailangan sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan at lakas. O maingat na tagapag-ingat ng Banal na Mag-anak, ipagtanggol mo ang mga hinirang na anak ni Hesukristo. O mapagmahal na ama, ilayo mo sa amin ang bawat kamalian at katiwalian. O aming makapangyarihang tagapagtanggol, saklolohan mo kami mula sa langit sa aming pakikibaka laban sa kapangyarihan ng kadiliman. At kung paanong iniligtas mo noon ang Batang si Hesus sa panganib ng kamatayan, ipagtanggol mo ngayon ang banal na Simbahan ng Diyos laban sa mga patibong ng kaaway at sa lahat ng kapahamakan. Kalingain mo rin ang bawat isa sa amin sa iyong walang patid na pag-iingat, upang sa pagsunod sa iyong halimbawa at sa tulong mo, kami ay mamuhay nang banal, mamatay nang mabuti, at magkamit ng walang hanggang kaligayahan sa langit. Amen.